Pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa, matagumpay
Ulat ni Kurt Russell Madera, Ang Siklab
Ipinagbunyi ng Brokenshire College Toril (BCT) ang kulminasyon ng Buwan ng Wikang Pambansa sa pamamagitan ng pagdaos ng iba’t ibang patimpalak noong Agosto 30, 2024.
Sinimulan ang kulminasyon sa handaan o pista sa nayon at parada ng kasuotan na naganap sa kani-kanilang silid-aralan.
Sinundan ito ng pagbibigay ng parangal sa patimpalak sa Lakambini at Lakandula 2024 na naganap sa himnasyo ng paaralan kabilang ang Elementarya, Junior High School, at Senior High School.
“Nagsisilbing paalala sa bawat Pilipino na ang wika ay hindi lamang instrumento ng komunikasyon, kundi isa ring simbolo ng ating kalayaan, dignidad, at pagkakakilanlan bilang isang bansa,” paunang pahayag ni Bb. Cristina Pusta, punongguro sa departamento ng Senior High School.
Dagdag pa niya, huwag kalimutan na mahalin, gamitin at paunlarin ang ating wikang kinagisnan.
Elementarya at Junior High School
Hinati ang patimpalak na Lakandula at Lakambini sa dalawang katergorya sa elementarya: A para sa una hanggang ikatlong baitang at B para sa ikaapat hanggang ikaanim na baitang.
Napagwagian ni Jacob Klint Q. Libre ang Lakandula at ni Klovy L. Cajeric ang Lakambini 2024 sa katergoya A.
Hinirang sina Sebastian B. Tamayo at Martina Lexi C. Hamo bilang Lakandula at Lakambini 2024 sa kategorya B.
Nanalo sina Prince Msaminiano at Dianne Grace Intes bilang Lakandula at Lakambini sa Junior High School at naiuwi rin ni Intes ang Binibining Pasarela at Katutubong Wika.
Senior High School (umaga at hapon)
Itinanghal naman sina James Benedict Mendoza at Sherina Petarte bilang Dakilang Lakandula at Magiting na Lakambini sa patimpalak ng Senior High School sa umaga.
Napagwagian din ni G. Mendoza ang Ginoong Pasarela at Binibining Pasarela kay Bb. Petarte.
Hinirang sina Joseph Ryan Bula at Geneva Yu bilang Dakilang Lakandula at Magiting na Lakambini na pareho ring nag-uwi ng Ginoo at Lakambining Pasarela, at Modernong Kasuotan sa patimpalak ng Senior High sa hapon.
“Dahan-dahan kong nayayakap ang kaugalian, kultura, at tradisyon na siyang dahan-dahan ding nagpapahiwatig at nagpapakita na ako ay Pilipino sa mundong ito,” pahayag ni Bb. Geneva Yu.
Ipinamalas ng bawat kandidato ang kanilang kahusayan sa pagsagot ng mga katanungan mula sa komite ng mga hurado.
“Ang wikang Filipino ay sumisimbolo sa atin at sa ating pakikipag-isa at ito ay nangangahulugan na tayo ay malaya dahil sa ating wika,” pahayag ni G. Bula.
Binigyan ng parangal sa kalagitnaan ng patimpalak ang nanalo sa Poster-Islogan at Tagisan ng Talino.
Nanalo sina Faye Antoniete T. Nonato, Kye Angel D. Lim, at Daniel N. San Carlos ng ikatlong gantimpala; sina Yuri Andrei L. Languido, Dhaniel Jan D. Lumanta, at Neah Antonette R. Obac ng ikalawang gantimpala; sina Jonalyn U. Pantujan, Mc Dars P. Paraguya at Marc Rafhael B. Bautista na ginawaran ng unang gantimpala para sa Poster-Islogan na kompetisyon sa kategorya C — baitang labing-isa.
Napanalunan din nina Christine Mae E. Jaro, Shaun James M. Nies, at Samuel M. Dote ang ikatlong gantimpala; Jacob B. Daleon, Christille Kayle C. Tugahan, at Princess Shine A. Salvaña ang ikalawang gantimpala; Psymone Ishmael A. Fernando, JC Vince Coleen N. Dongcoy at Juhoney A. Araneta ang unang gantimpala para sa Poster-Islogan na kompetisyon sa kategorya D- baitang labindalawa.
Dagdag pa rito, iginawad din kay Heba C. Gonzales ang ikatlong gantimpala, Princess Dianne Kate A. Trinidad ang ikalawang gantimpala, Kurt Russell B. Madera ang unang gantimpala para sa Tagisan ng Talino.
Samantala, isang kandidata ang hinimatay ilang sandali matapos itanghal na Magiliw na Lakambini sa panghapong kategorya ng Lakandula at Lakambini 2024.
Dinaluhan ang pagdiriwang na ito ng mga guro mula sa elementarya at sekundarya at mga punongguro ng paaralan ang kulminasyon sa buwan ng Wikang Pambasa na may temang: “Filipino, Wikang Mapagpalaya”
Winakasan ang nasabing kulminasyon sa pagpapasalamat at pagbibigay-parangal sa mga kawani ng paaralan na siyang nanguna sa nasabing pagdiriwang.