DAPRISA Games 2024 High School Basketball: DCC, nanaig laban sa BCT sa dikit na score na 37–39
Ulat ni Hannah Catan, Ang Siklab
Sa kabila ng pagpursige at puspusang paghahanda ng Brokenshire College Toril (BCT) basketball team, nabigo pa rin itong makamtan ang inaasam na panalo laban sa Davao Central College Toril, 37–39, sa ikalawang laro ng DAPRISA Games 2024 basketball tournament.
Sa unang bahagi ng laro, nagpakitang-gilas agad ang dalawang koponan ng lakas sa depensa at galing sa pagtira ng bola.
Sa unang quarter ay nanguna ang BCT, 13–8.
Nagsimulang uminit ang laban sa ikalawang quarter, kung saan naging malaking tulong ang pagpapaulan ng tatlong puntos ni Alley Zam Guinang na nagresulta sa kabuuang puntos na 10 para sa BCT.
Nagpakita ang bawat pangkat ng galing sa opensa, ngunit ito ay laging tinatapatan ng matibay na depensa ng kalaban.
Ang puntos ay humantong sa 19–13 pagpatak ng ikalawang quarter na pinapangunahan pa rin ng BCT.
Batid na ng DCC ang agwat ng kanilang mga puntos dahilan upang ito ay bumawi.
Matitibay na depensa, magaganda at sunod-sunod na pag-shot ng bola ang ipinakita ni TJ Lance Amaro ng DCC na nagtala ng kabuuang puntos na 12 at ipinantay ang kanilang puntos sa quarter 3, 28–28.
Habang tumatagal ang laro, nagpatuloy ang pagsubok ng DCC na magsimula ng comeback kung saan nagpakitang-gilas si Dwayne Gibrelle Polancos, Jordan Albarracin, at TJ Lance Amaro.
Itinanghal na wagi ang DCC sa ‘di kalayuang agwat na 39–37 laban sa BCT.
Ayon sa captain ng BCT na si Nuj Cang Jr., masaya at may halong lungkot ang kanilang naramdaman.
Gagawin daw nila ang kanilang buong makakaya, palaging pag-iisip ng positibo, pag-eensayo araw-araw at pakikinig nang mabuti sa kanilang tagapagsanay maging sa kanilang coaches.