BCT basketball team , muling ipinamalas ang galing laban sa LPU
Ulat ni Hannah Catan, Ang Siklab
Nasungkit ng Brokenshire College Toril (BCT) ang panalo sa ikatlong laro laban sa Lyceum of the Philippines University (LPU) sa DAPRISA Games 2024, 84–57.
Umarangkada ang BCT at sa pagpupursige, nagresulta ng malaking kalamangan, 27–11.
Hindi nagpatinag ang LPU sa paghabol ng iskor kontra BCT sa unang bahagi ng laro.
Pinangunahan naman ng captain ball ng BCT, Nuj Cang JR., ang pagdepensa upang lumamang sa puntos. Mas lalong pinatibay ng BCT ang kanilang opensa, dahilan upang magkaroon ng mas malaking agwat sa ikalawang quarter, 47–24.
Humabol ang LPU ng 13 puntos, ngunit walang humpay na umarangkada ang BCT na nakakuha ng 20 puntos.
Rinig ang hiyawan ng manonood sa ikatlong quarter sapagkat unti-unting bumabawi ang LPU.
Pumuntos ng 17 puntos si Kent Aguilon ng LPU upang subuking habulin ang kalamangan.
Gayunpaman, sa kahit anong opensa ay hindi natinag ang depensa ng BCT, nagmistulang star of the game si Andernyl Taming Jr., dahil sa kanyang sunud-sunod na three points na nagtala ng 13 puntos.
Naging 63–41 ang kabuuang puntos sa ikatlong quarter sa pangunguna ng BCT.
Hindi rin nagpahuli si Alley Zam Guinang na pumuntos ng 16, pinaulanan niya ng dalawang puntos ang LPU.
Malaki rin ang naitala nina Jarhyll Maquiso Paña na may 9 na puntos, 8 naman kay Rohaniance Robedillo, Aaron Salebat na may 8 puntos, Lheo Mico Monares 5, Matthew Jacob Dalisay 3, at Harold Matarlo na may 6 puntos sa laban na ito.
Malaki ang pasasalamat ng captain ball na si Cang sa mga kasamahan dahil sa kooperasyon ng bawat isa, hiniling niya na sana ay magpatuloy ito.
“Sa kasalukuyan, kami ay maghahanda sa mga paparating na laban, kung ano ang ipinakita namin kanina sa laro ay mas pagbubutihin pa namin sa susunod,” saad ni Cang.
Sa huli, wagi ang BCT sa iskor na 84–57 na naging daan nila upang makakuha ng puwesto sa quarter finals.